Pabor ang Department of the Interior and Local Government (DILG) Provincial Director ng Region 1 na si Virgilio Sison sa naging panawagan ni Secretary Benhur Abalos kaugnay sa courtesy resignation na ipinataw sa mga Heneral at Colonel na sangkot sa iligal na droga.
Aniya naniniwala siya sa karunungan ni Abalos na iniisip lamang daw nito kung ano ang makatutulong sa pagbibigay lunas ukol sa naturang problema at upang pabor na rin umano kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa reorganization sa hanay ng mga kapulisan.
Ibinahagi rin ni Sison na palagay niya ay nakakatanggap din daw umano si Abalos ng mga impormasyon ukol dito na siyang nag-udyok sa kaniya upang ihayag ang desisyon nito sa kamakailang press conference nito at batay na rin aniya ito sa mga payo ng mga matataas na opisyal ng PNP.
Ang courtesy resignation naman aniya ay tumutukoy sa boluntaryong pagbaba sa pwesto ng mga naturang opisyal na may kinalaman sa iligal na droga. Ginagawa na rin naman ito ng mga nakaraang administrasyon.
Ito ay upang bigyan ng kalayaan na i-appoint ang mga awtoridad kung sinomang gusto nilang ilagay na karapat-dapat sa posisyon kaya ito umano ang naisip nilang estratihiya upang magkaroon ng pag-organisa sa kanilang ahensya.
May programa naman ang PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa mga opisyal na nasasangkot sa naturang isyu.
Mayroon din naman aniyang mga programa na nakapaloob sa DILG main office kabilang na rito ang Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) program ngunit nakatuon lamang sila sa demand reduction kung saan tumutulong sila sa pagbibigay ng mga adbokasiya at mga impormasyon upang maiwasan ng mga kababayan ang malulong sa droga.
Ibinahagi pa ni Sison na mayroon pa silang specific programs tulad ng organisasyon sa paglaban sa naturang isyu tulad na lamang ng kanilang Drug Abuse Council.
Panawagan naman ng naturang DILG Director sa mga mamamayan na nagbabalak gumamit ng iligal na droga na wag na nila itong ituloy dahil wala naman aniya itong maidudulot na maganda sa kanilang buhay at maaari pa nilang maidamay ang kanilang pamilya na maaari ring makaapekto sa pagkadungis ng lipunan ng bansang Pilipinas.
Nagpahayag din siya ng pag-anyaya na suportahan na lamang ng mga mamamayan ang mga programa ng gobyerno hindi lamang sa mga kampanya nito kontra droga kundi pati na rin ang iba pa at mas maiging pagbutihin na lamang ng mga kabataan maging ng mga iba pang residente ang kanilang pag-aaral at trabaho.