Pinaghahandaan na ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) ang muling pagbubukas ng mga klase sa mga paaralan sa rehiyon uno ngayong araw, Enero 4, 2023.


Ayon sa panayam kay Director Tolentino Aquino ng DepEd Region 1, inaasahan nila ang magandang turn out ng attendance ng mga estudyante na maging katulad ito ng attendance nila bago ang kanilang Christmas break.


Kadalasan daw kasi sa tuwing sila ay magbubukas ng klase, base sa kanilang obserbasyon ay may mga mangilan-ngilang mag-aaral ang tila may hang over pa rin mula sa kanilang long vacation pero sa mga sumusunod naman na mga araw aniya ay unti-unti namang bumabalik sa dating bilang ang mga mag-aaral.

--Ads--


Aniya alam din naman ng mga kaguruan at school administrators ang kanilang school calendar kaya maaga palang umano ay nagrereport na ang ilan sa mga ito sa kanilang designated schools.


Ibinahagi ni Director Tolentino na pangunahin sa kanilang pinaghahandaan ay ang pagpapabuti ng pagbabasa ng mga mag-aaral sa katunayan ay nakapaglunsad daw sila ng programang Reading First For Region 1.


Kaakibat nito ay nagsagawa sila ng Regional Summative Assessment para sa 4th School Division Offices noong makaraang Hulyo taong 2022 at batay umano sa resulta nito, nagsagawa ang mga supervisors ng iba’t ibang programa upang mapaunlad at mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa rehiyon uno.


Tinututukan din umano nila ang epekto ng implementasyon ng Senior High School at kabilang sa kanilang isinasagawang pagsusuri, tinitignan nila kung nasaan na nga ba ang mga mag-aaral na nagsipagtapos ng Senior High School magmula noong taong 2016.


Sa katunayan nga raw ay naghahanda na ang kanilang kagawaran sa pakikipag-ugnayan nito sa iba’t ibang sektor upang maisakatuparan ang tunay na layunin ukol sa pagpapatupad ng K to 12 program.


Ang tunay kasing hangarin ng implimentasyon ng naturang programa ay ang pagkakaroon ng pribelihiyong makapagtrabaho ang mga Kto12 graduates na kanilang kasalukuyan paring pinag-aaralan.

TINIG NI DIRECTOR TOLENTINO AQUINO


Bagamat nagkaroon na ng pagluwag pagdating sa COVID-19 restrictions, patuloy pa rin aniya ang implimentasyon ng mga guro ng minimum health standards at pinagsusuot pa rin ng mga ito ang kanilang mga estudyante ng face masks.
Hindi man maiwasan ng mga mag-aaral na makaligtaan ang physical distancing ay patuloy naman aniya ang paalala ng mga guro sa mga ito.