Patuloy ang pakikiramay ng mga residente ng Italya sa pagkamatay ng pinakamatandang Santo Papa na si Pope Benedict XVI.


Nakikisimpatya rin si Bombo International News Correspondent mula sa Italy na si Demetro “Bong” Rafanan at tulad ng nakararami sa naturang lugar, nabigla rin umano siya.


Pumanaw ang naturang Papa sa edad na 95, halos isang dekada matapos siyang huminto dahil sa karamdamang kalusugan.

--Ads--


Ayon kay Rafanan, nang mag-resign si Pope Benedict noong 2013 sinabing ang kaniyang katandaan at nag-aabanteng edad na ang naging dahilan.


Ginugol ni Pope Benedict ang kanyang mga huling taon sa monasteryo ng Mater Ecclesiae sa loob ng Vatican kung saan siya namatay noong Sabado.


Dagdag pa ni Rafanan na ang naging tatak ng naturang Pope ay ang pagiging strikto nito lalo na sa usaping homosexuality.


Hindi nito aniya malilimutan ang linyang binitawan ng Papa na ang mga aktibidades ng mga homosexual ay napakalaking kasalanan.


Kasalukuyan pang nasa loob ng Vatican City ang labi ng naturang Papa at hindi umano inasahan ang bilang ng pagdagsa ng mga tao.


Pinapayagan naman aniyang bumisita ang mga mananampalataya ngunit dadaan ang mga ito sa masusing pagsusuri bago makapasok upang masiguro ang kaligtasan sa loob ng basilika.


Inaasahan aniya ang pagdalo ng mga pamunuan ng gobyerno ng Germany at Italy.

TINIG NI DEMETRO “BONG” RAFANAN