DAGUPAN CITY — “Hindi kasing-ganda noong mga nakaraang taon.”

Ito ang inihayag ni Lucito Chavez, President ng Asosasyon ng Panaderong Pilipino and Philippine Federation of Bakers’ Association, Inc., sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa kalagayan ng mga panaderya sa bansa.

--Ads--

Aniya na kumpara sa mga nakalipas na taon ay mababa ang bentahan ng mga tinapay ngayon. Dagdag pa ni Chavez na ito ay marahil apektado rin ang industriya ng pagtitinapay sa mga naitalang pagtaas ng mga bilihin kaya’t inaasahan naman nila na makakabawi sila sa benta sa pagsapit ng Bagong Taon, partikular na ang maliliit na mga bakery na umasa sa magandang bentahan ng mga tinapay nitong nakalipas na kapaskuhan.

Maliban dito, nakikita rin ni Chavez na isa sa mga dahilan ng pagbaba ng bentahan ng mga tinapay ay dahil marami ang nagsipag-uwian sa kani-kanilang mga probinsiya ngayong Holiday season.

Gayunpaman, binigyang-diin ni Chavez na pinipilit din nilang makabawi, kung hindi man sa makatubo ng kaunti para sa kanilang survival cost, ay mapanatili ang kanilang katayuan bilang isang magtitinapay at patuloy na makapagsilbi sa masang Pilipino.

Dagdag pa nito na handang-handa na ang industriya ng mga magtitinapay sa pagsalubong sa nalalapit na Bagong Taon.

TINIG NI LUCITO CHAVEZ

Kaugnay nito ay ikinatuwa naman ng kanilang hanay ang stable na presyuhan ng mga raw materials sa paggawa ng tinapay gaya na lamang ng harina, asukal, at mantika, kumpara sa mga nakaraang taon, at nakaraang mga buwan ng kasalukuyang taon kung saan ay magkakasunod ang paggalaw sa presyo ng mga nasabing produkto.

Umaasa naman ang kanilang hanay na sa pamamagitan ng kailang pakikipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry ay maipagkakaloob sa kanila ang kanilang kahilingan na magkaroon ng mga seminars at trainings na naglalayong makatulong ang mga maliliit na bakers sa tama at wastong pamamalakad ng industriya ng pagtitinapay.