DAGUPAN CITY — “Nakakalito na.”

Ito ang inihayag ni Mody Floranda, President ng Grupong PISTON, sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa nakaamba na namang dagdag-bawas sa presyo ng produktong petrolyo.

--Ads--

Aniya na ang umiiral na pabago-bagong paggalaw sa presyo ng krudo ay patuloy na nagiging pasanin sa sektor ng transportasyon at mga mananakay, kung saan ay nahihirapan ng kumita ang hanay ng public transport kaugnay ng naturang usapin.

Dagdag pa ni Floranda na maituturing na isa pa ring napakalaking suliranin ng krisis sa enerhiya lalo na’t mas pinapalala pa nito ang hindi bumababa na presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado.

Dahil dito aniya ay lalong nahihirapan at nalulugi ang mga drayber sapagkat dalawang pasanin ang kanilang iniinda kumpara sa kakarampot nilang kita sa iisang araw na minsan ay kulang pa upang punan ang kanilang mga pang araw-araw na pangangailangan.

Maliban pa rito ay idiniin din ni Floranda na sa halip na nakaka-kain sana tatlong beses sa isang araw at nakakaahon sana ang sambayanang Pilipino ay mas lalo pa silang inilulubog na laylayan ng lipunan dahil sa mga problemang ito na hindi naman natutugunan ng gobyerno hanggang sa ngayon.

Kaugnay nito ay nagpahayag din si Floranda na maghahain sila ng formal complaint kaugnay sa lingguhang paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo sa pag-asa na mag-uudyok ito sa kaslukuyang administrasyon na kumilos at tugunan na ang namumurong krisis sa enerhiya.