DAGUPAN CITY — Sa pagmamahal sa larangan ng palakasan – dito nagsimula ang karera ni Alberto Ubando, 23-anyos, residente ng Bonuan Boquig, Dagupan City, at two-time gold medalist sa katergorya ng men’s high jump.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa atleta, sinabi nito na lubos niyang ikinagagalak ang pagkapanalo niya sa men’s high jump category bilang kinatawan ng National University (NU) sa naganap na University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 na idinaos mula November 30 to December 4, 2022 sa Philsports Track and Field Oval sa Pasig City.
Aniya na puspusan ang ginawa niyang paghahanda at page-ensayo para sa naturang kompetisyon upang maibalik ang lakas ng katawan nito lalo na’t batid niya na malalakas din ang mga nakatunggali nito sa nasabing kategorya, kung saan ay ipinahayag nito ang pangamba na makalaban ang kinatawan ng Far Eastern University (FEU). Gayunpaman, ang pagpupursigi naman niyang ito ang nagtulak sa kanya upang makamit ang gintong medalya.
Kaugnay nito ay sinabi din ni Ubando na matagal na siyang sumasali sa mga paligsahan sa palakasan kung saan una siyang nawili sa football at basketball bago nito nadiskubre ang iba pang larangan ng palakasan.
Lubos din naman itong nagpapasalamat sa lahat ng sumuporta sa kanya, lalong lalo na sa kanyang mga magulang, mga malalapit na kaibigan, sa kanyang coach na si Romy de Guzman, at gayon na rin sa Panginoon na nagbigay sa kanya ng pagkakataon na makapasok at maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo.
Target naman ni Ubando na makasali sa mga susunod pang kompetisyon gaya ng National Open at Philippine National Game sa Marso sa susunod na taon.
Maliban dito ay inihayag din ni Ubando na masaya na siya sa kanyang mga napagtagumpayang paligsahan, subalit ituturing niya rin bilang isang malaking karangalan kung mabibigyan ito ng pagkakataon na makasali sa Philippine National Team.
Sa ngayon ay naka-focus lang naman si Ubando sa kanyang academics at sports career.
Mensahe naman nito sa mga gustong sumabak sa larangan ng palakasan na pinaka-importante sa lahat ang pagkakaroon ng disiplina at time management at gayon na rin ang pagsusumikap. Binigyang-diin din nito na lahat ay dumadaan sa mga paghihirap, mga pagsubok, at lahat din aniya ay nagsisimula sa baba bago nila marating ang taluktok ng tagumpay.