DAGUPAN CITY — Tiniyak ng National Meat Inspection Service Region I na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang hikayatin ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapaigting at pagpupursigi sa inspeksyon sa mga katayan at mga lugar sa mga lugar na kanilang nasasakupan.

Ito ang binigyang-diin ni Dr. Orlando Ongsotto, Technical Director ng nasabing ahensya, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan patungkol sa usapin sa nakaambang pagtaas ng demand sa produktong karne sa papalapit na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

--Ads--

Aniya na mayroon silang ipinatupad na mga enforcement activities sa mga pamilihan sa buong Rehiyon I kung saan ay patuloy din ang isinasagawang inspeksyon ng kanilang mga tauhan upang siguraduhin ang kalagayan ng bentahan ng karne sa mga palengke, aprtikular na kung pumasa ito sa naaayon na standards ng Meat Inspection Certificate.

Kaugnay nito ay sinabi rin ng direktor na maliban sa pagtaas ng demand sa mga nasabing produkto ay kanila ring inaasahan ang pagdagsa ng mga mamimili sa mga pamilihan.

Kaya naman ay mahigpit din nilang binabantayan ang supply ng mga karne sa mga palengke sa iba’t ibang lugar sa buong rehiyon, at gayon na rin ang mga suppliers at vendors na maaaring samantalahin ang pagkakataon.

Nagpapaalala naman si Ongsotto sa mga nagbebenta na iwasan ang pagbebenta ng mga luma at di magandang kalidad ng karne partikular na sa mga nanggaling pa sa mga may sakit na hayop upang makaiwas sa hindi kanais-nais na pangyayari.

Kaugnay nito ay pinapayuhan din nito mga mamimili na maging maingat at mabusisi sa mga binibiling karne sa mga pamilihan.