DAGUPAN CITY — Mariing kinokondena ng grupong PISTON ang ipinatupad na panibagong taas-singil sa presyo ng mga produktong petrolyo ng mga oil companies ilang araw bago sumapit ang Pasko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PISTON President, Mody Floranda, sinabi nito na isa n namang napakalaking pasanin nito hindi lamang sa hanay ng transportasyon subalit gayon na rin sa mga commuters at mamamayang Pilipino sapagkat kasabay ng oil price hike ay ang pagtaas din ng mg pangunahin at iba’t ibang serbisyo at gayon na rin ang pagtaas ng mga presyo ng bilihin sa merkado.

--Ads--

Aniya na isa ito sa mga bagay na pinaka-pinangangambahan nila, partikular na ang naging anunsyo ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) patungkol sa pagbabawas ng 2 milyong barrel ng supply ng petrolyo sa Pilipinas, na naging dahilan naman aniya sa pagsisimula ng pagtaas ng produktong petroyo sa bansa.

Nakikita naman ng kanilang hanay na ang panibagong dagdag-singil sa mga produktong petrolyo ay maituturing lamang na “bayad-utang” kumpara naman sa kakarampot na oil price rollback sa magkakasunod na nakaraang apat na linggo.

Maliban dito ay binigyang-diin din ni Floranda na isa sa mga pinag-ugatan ng pagsisimula ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo ay ang kapabayaan ng mga nanungkulan at naging administrasyon ng Pilipinas, partikular na ang hindi pagkilala sa kahilingan ng Department of Energy na amyendahan ang Oil Deregulation Law na naglalayong magbigay ng balangkas para sa pamahalaan upang mamagitan at matugunan ang biglaang, matagal na pagtaas ng presyo ng langis, kabilang ang pag-unbundling ng halaga ng mga produktong retail ng petrolyo upang matukoy ang kanilang totoo at naipasa na mga halaga.

Kasama na rin dito aniya ang pagbibigay sa mga kumpanya ng langis ng kalayaan na sila na lamang ang magtakda kung magkano ang ibabawas o idaragdag sa kanilang mga produkto.

Kaugnay nito ay ipinahayag din ni Floranda ang pangamba sa panibagong taas-presyo sa petrolyo sapagkat ang ginagamit pa rin na supply ng bansa ay ang dati pa nitong nabiling krudo noong buwan ng Setyembre sa mas mababang halaga, kaya aniya ay dapat at kagyat nang atupagin at tugunan ng gobyerno ang krisis sa enerhiya, partikular na kung paano masususpinde ang mataas na buwis sa presyo ng produktong petrolyo.