DAGUPAN CITY — Nakakalungkot.

Ganito isinalarawan ni Ariel Casilao, Vice Chairperson ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa usapin patungkol sa talamak na onion smuggling na pumapasok sa loob ng bansa kumpara sa napakamahal na presyo nito sa mga pamilihan.


Aniya na nagpapatunay lamang ito na ang agricultural liberalization o ang pagbubukas ng pintuan ng Pilipinas para sa walang humpay na pagpapasok ng mga produktong pang-agrikultura ay hahantong lamang sa smuggling.

--Ads--


Saad niya na batid naman ng nakararami, kung hindi ng lahat, na hindi pa rin natitiyak na walang pagkakasangkot ang ilang mga kawani ng gobyerno patungkol sa usaping ito at mataas pa rin ang tyansa na mayroon ding nasasangkot na mga sindikato pagdating sa mga ipinupuslit na mga sibuyas, partikular na sa sanitary at phytosanitary certificates.


Dagdag pa ni Casilao na ang mga naitatala lamang na mga smuggling ay ang mga nadidiskubre lamang at hindi pa kasama rito ang mga nasa likod ng usaping ito.


Kaya naman aniya ay nakakawawa ngayon hindi lamang ang mga magsasaka kundi pati na rin ang mga konsyumer na labis na naaapektuhan sa napakamahal na bentahan ng nasabing produkto sa mga merkado habang ang mga smuggler naman ang patuloy na nakikinabang kapalit ng kanilang pagmamalabis nila sa taumbayan.


Nakikita naman aniya na kasabay ng naturang batas na nagpaphintulot sa walang limitasyon na pag-aangkat ng mga produktong agrikultural na pumasok sa Pilipinas ay ang wala ring humpay na laro ng mga smugglers na nananamantala sa pagkakataong ito.


Dahil dito, sinabi ni Casilao na mas lalo pang namamayani ang smuggling industry habang napag-iiwanan naman ang mga magsasaka ng bansa.