DAGUPAN, City- Maigting ang ginagawang paghahanda ng Manaoag PNP sa Minor Basilica of our Lady of Manaoag para sa nalalapit na simbang gabi.

Ayon kay PMaj. Fernando Fernandez Jr., Chief of Police, Manaoag PS, nakalatag na ang kanilang ginawang pagbabantay sa bahagi ng simbahan kung saan ay may mga undercover na police na nakagala upang magmasid sa lugar at gayundin ang maraming mga guwardiya sa upang magbantay sa simbahan upang mapangalagaan ang publiko mula sa mga masasamang loob.

Nakipagkoordina na sila sa hanay ng Local Governemnt Unit ng naturang bayan, municipal traffic order, force multipliers, at barangay council ng barangay Poblacion para sa pagpapatupad ng traffic schemes sa palibot ng nabanggit na simbahan.

--Ads--

Aniya, isa sa kanilang ginawa para sa nalalapit na kaganapan ay ang pagpapaluwag ng kakalsadahan sa lugar sa pamamagitan ng pagbabawal sa pag-papark malapit sa simbahan upang may madaanan ang mga mananampalataya sa simbahan.

Mayroon na ring directional style sa entry at exit points ng naturang bayan lalo na sa bahagi ng lungsod ng Dagupan, Laoac, Binalonan, San Jacinto, at lungsod ng Dagupan.

Bukod pa rito, may mga nakahanda na rin ng mga free parking areas bagaman ito ay may kalayuan sa simbahan. Ngunit sa kabilang banda, kung nais naman umano ng mas malapit na parking area ay may mga designated pay parking naman umano roon.

Pinaalalahanan din ni Fernandez ang mga magtutungong mga turista o mananampalataya na mainam na sumunod sa mga batas trapiko at iwasan ang pagsusuot ng mga alahas at pagdadala ng mga mamahaling mga bagay na mainit sa mga mata ng mga kawatan para sa maayos at ligtas na biyahe at pagpunta sa lugar.

Inaasahan naman ng naturang tanggapan na nasa 25,000-30,000 na mga turista ang magtutungo sa nabanggit na bayan sa durasyon ng simbang gabi.