DAGUPAN CITY — Epilepsy.
Ito ang lumalabas na sanhi ng pagkalunod ng isang lalaki sa San Jose River sa Brgy. Libsong West, sa bayan ng Lingayen, Pangasinan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt. Noven Quitalig, ang siyang Operation and Police Community Affairs and Development (PCAD) PCU, Lingayen PNP, sinabi nito na lumalabas sa kanilag inisyal na imbestigasyon na kasalukuyang naliligo ang biktima na kinilalang si Marvin Dela Cruz, 21-anyos at residente ng Pangapisan North, sa nasabing ilog nang atakihin ito ng epilepsy.
Aniya na ayon sa pakikipagusap nila sa mga kaanak ng biktima ay napagalaman na may family history ito ng epilepsy at naging gawain na rin umano nito ang paliligo sa mga ilog.
Maliban sa mga naitalang pag-atake ng kanyang sakit ay lumalabas din umano na may hawak na record ang Lingayen Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office kung saan ay minsan nang rumesponde ang ahensya sa isa pang drowning incident na kinasasangkutan ni Dela Cruz.
Dagdag pa ni Quitalig na maayos namang nakatiklop ang mga damit ng biktima sa pampang noong nangyari ang insidente, kaya naman walang nakikitang foul play ang mga otoridad.
Agad namang dumating ang grupo ng LDRRMO at binigyan pa ito ng paunang CPR at sinubukan pang dalhin ang biktima sa pinakamalapit na hospital subalit ideneklarang dead on arrival na ito.
Paalala naman ng kapulisan sa publiko na manatiling maingat kung naliligo sa ilog at mga baybayin dahil kaakibat pa rin nito ang panganib at mga sakuna na maaaring mangyari.