DAGUPAN CITY — “Hindi pinapahalagahan ng estado ang karapatan ng mga mamamayan.”
Ito ang binigyang-diin ng isang paralegal mula sa Gitnang Luzon na si Alyssa Cargado hinggil sa usapin patungkol sa pagtugon at pagtutok ng estado sa mga karapatang pantao sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan.
Aniya na hindi nawawala ang mga pagbabanta sa buhay ng mga organisador ng mamamayan at tagapagtanggol ng karapatang pantao lalo na sa Gitnang Luzon. Saad nito na mataas ang bilang ng datos sa mga nasasangkot sa elemento ng estado.
Dagdag pa ni Cargado na palagi na lamang inaapakan ang mga nagaaklas upang ipanawagan sa nakatataas at ipagtanggol ang mga karapatan ng mamamayang Pilipino. Nakikita naman niya na natatakot ang estado sa mamamayang ipinaglalaban ang kanilang karapatan kaya aniya nagiging talamak ang mga krimeng lumalabag sa mga ito.
Magugunita na lumahok din ang kanilang hanay sa nangyaring kilos-protesta ng mga aktibistang grupo noong Bonifacio Day, Nobyembre a-30, upang ipagtanggol ang kanilang panawagan na palayain na ang kanilang dalawang kasamahan.
Muli naman nilang ipinapanawagan kasabay ng paggunita sa International Human Rights Day na itigil na ng mga nasa kapangyarihan ang pagtapak sa mga karapatan ng organisador ng mga mamamayan at gayon na rin ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao.