DAGUPAN CITY — “Nakapag-issue pa lamang ng Writ of Amparo at temporary protection order.”

Ito ang binigyang linaw ni Alyssa Cargado, isang paralegal sa Central Luzon, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa usapin sa paglaaglabas ng Supreme Court (SC) ng Writ of Amparo para sa dalawang babaeng aktibistang ilang buwan nang nawawala matapos umanong makatanggap ng banta mula sa uniformed personnel.

--Ads--

Ani Cargado na naghihintay na lamang sila 20 araw para sa tugon ng mga respondents upang tuluyan ng ma-grant ang Writ of Amparo na una nilang inihain noong nakaraang Nobyembre a-4 na iginawad naman ng Korte Suprema nito lamang Nobyembre 29 para sa dalawang nawawalang kababaihan na sina Ma. Elena “Cha” Pampoza at Elgene “Leleng” Mungcal.

Dagdag pa ni Cargado na sakto lang naman umano ang naging pagtugon ng Korte Suprema sa kahilingan ng kanilang hanay patungkol sa nasabing usapin, dahil madalas ay inaabot ng buwan ang paghahain ng Writ of Amparo.

Gayunpaman, itinuturing pa rin nilang mabagal ang pagproseso ng Korte Suprema sa kanilang kahilingan sapagkat matagal na umanong nawawala ang kanilang mga kasamahan.

Umaasa naman si Cargado na bago matapos ang buwan na ito ay tuluyan ng maihahain ang hinihiling nilang Writ of Amparo upang mabigyan ng proteksyon at matiyak ang kaligtasan ang pamilya hindi lamang ng mga nawawala nilang mga kasamahan kundi gayon na rin ang mga pamilya, kamag-anak, at kakilala ng mga naging biktima rin ng extrajudicial arrest and detention na ngayon ay nakakaranas ng pagbabanta sa kanilang mga buhay.