DAGUPAN CITY — “Masayang-masaya.”
Ganito isinalarawan ni King Bergonio, dating estudyante ng Pangasinan State University — Sta. Maria Campus, ang kanyang matagumpay na pagkakapasa bilang isa sa mga topnotchers sa nakaraang Agriculturist Board Exam na isinagawa noong Nobyembre 2022 sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan.
Saad niya na nagising siya sa isang magandang balita nang mabasa niya ang mensahe sa kanya ng kanilang campus registrar na naglalaman ng pagbati kay Bergonio sa kanyang pagkakapasa sa nasabing pagsusulit.
Aniya na labis niyang ikinalulugod ang kanyang pagkakabilang sa mga pumasa sa nasabing eksaminasyon lalo na nang makita niya na isa sya sa mga nanguna bilang Top 5 na umani naman ng 85.67% passing rate sa kabila ng mahirap na sitwasyon nito nang siya ay nagrereview para sa eksaminasyon habang nagtatrabaho rin ito.
Dagdag pa ni Bergonio na labis din ang kanyang pagkagalak nang malaman niyang marami rin sa kanyang mga kaibigan na kasama nyang nag-exam ang pumasa rin sa pagsusulit.
Maliban sa Agriculturist Board Exam anya ay kumuha rin ito ng Chemistry Licensure Examination na naganap naman noong nakaraang Oktubre.
Kaugnay nito ay sinabi pa ni Bergonio na kumuha ito ng Agriculturist Board Exam dahil nagtatrabaho ito sa Department of Agriculture Regional Field Office 1, kung saan ay binigyang-diin niya ang kanyang pagnanais na pagyamanin ang kanyang kaalaman sa industriya ng agrikultura.
Nagpapasalamat naman ito sa lahat ng sumuporta sa kanya at gayon na rin sa kanyang pamilya, asawa, at anak na naging inspirasyon naman niya para mapagtagumpayan ang nasabing eksaminasyon.
Mensahe naman nito sa kanyang mga kababayan na patuloy lamang na mangarap dahil dito naguumpisa ang lahat. Paalala rin nito na huwag kalilimutang mag-set ng target para sa mga mithiin dahil sa pamamagitan nito ay nagkakaroon ang isang tao ng pananaw kung hanggang saan ang nais nitong marating.
Mahalaga rin aniya na pagtrabahuan ng bawat isa ang kani-kanilang mga pangarap upang maisakatuparan ang mga ito.