DAGUPAN, City- “Nay, top-3 po ako.”

Ito ang mga salitang unang nabanggit ni tubong Malasiqui, Pangasinan na si Engr. Joseph Celeste, Top 3 November 2022 Civil Engineering Board Exam sa kanyang lolo at lola nang malaman niya ang kanyang pagkakabilang sa mga nanguna sa nabanggit na eksaminasyon.

Ayon kay Celeste, nang malamang ang resulta ng kanyang board exam ay hindi ito halos makapaniwala na napabilang siya sa mga Top performing examinees sapagkat akala lamang nito ay nananaginip ito dahil kakagising lamang niya nang mga sandaling iyon.

--Ads--

Aniya, nang kanyang muling tinignan ang nabanggit na resulta sa page ng Professional Regulatory Board (PRC) ang talaan, nakumpirma nito na Top 3 siya rito.

Kaya naman dahil dito ay dali-dali niyang tinawagan ang kanyang pamilya upang ipaalam ang naturang balita.

Proud at ipinagpapasalamat din umano ng kanyang mga mahal sa buhay ang kanyang pagpasa lalo na sila ang kanyang naging sandalan sa mga panahon ng kanyang paghahanda sa kanyang pagkuha ng lisensya.

Masaya at rewarding rin para sa kanya ang nakamit na tagumpay lalo na at kanyang ginawa ang kanyang makakaya para rito.

Sa ngayon ay kanya pang sinusuri ang mga opurtunidad na dumadating ngayon sa kanya matapos ang kanyang pangunguna sa CE liscensure examination.

Matatandaang maliban sa kanyang tagumpay sa nabanggit na eksaminasyon, nakamit din niya ang pagiging Summa Cum Laude sa kursong Civil Engineering sa University of the Philippines-Diliman.