DAGUPAN, CITY- Bumuhos ang pakikiramay sa pamilya ng dalawang katao na nasawi sa nangyaring helicopter crash sa Charlotte, North Carolina, USA.

Ayon kay Bombo International Correspondent Isidro Madamba, tila hindi inaasahan at disgrasya ang nangyaring insidente na siyang ikinagulat ng pamilya at mga kasamahan nila sa trabaho.

Nakilala ang mga biktima na sina Jason Myers na isang meteorologist, at ang piloto na si Chip Tayag na mga empleyado ng WBTV na isang news channel sa Estados Unidos.

--Ads--

Batay umano sa mga ulat, papunta sa isang coverage ang dalawa nang nagkaaberya ang kanilang sinasakyang helicopter.

Hinangaan naman ng marami sa nabanggit na lugar ang piloto nito dahil makikita sa pagsadsad nito, nagawa pang maiiwas ni Tayag ang helicopter mula sa highway kung saan ay maaring madami pang buhay ang madadamay kung ito ay babagsak sa lugar.

Nangako naman ang kompanya na kinabibilangan ng mga biktima na tutulong sa mga pamilya na naiwan ng mga ito.

Matatandaang si Myers ay 16 taon nang meteorologist habang si Tayag naman ay 20 taon nang piloto.