Haharap sa kasong five counts ng first-degree murder at five counts of a bias-motivated crime causing bodily injury ang 22-anyos na suspek sa pamamaril sa isang LGBTQIA+ club sa Colorado Springs na tinatawag na Club Q na nagbunga ng pagkasawi ng 5 katao at pagkasugat naman ng 18 iba pa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bombo International News Correspondent sa USA na si Isidro Madamba Jr., sinabi nito na lumalabas sa inisyal na ibestigasyon ng kapulisan ng nasabing lugar na itinuturing na hate crime ang nangyaring insidente kung saan ay bigla na lamang nagpaulan ng mga bala ang armadong suspek na kinilalang si Anderson Lee Aldrich, 22-anyos, sa Club Q kung saan may nangyaring drag show at birthday celebration.
Kinilala naman ang limang mga biktima na nasawi sa pamamaril na sina Ashley Paugh (she/her), Daniel Aston (he/him), Derrick Rump (he/him), Kelly Loving (she/her), at Raymond Green Vance (he/him).
Napagalaman naman na isa sa dalawang katao na nagtulungan upang i-subdue ang naturang suspek ay dating miyembro ng military. Bunsod nito ay nagtamo rin ng mga sugat ang suspek mula sa sarili nitong armas.
Narekober naman ng kapulisan ang dalawang baril na ginamit ng suspek sa naturang krimen, kung saan napagalaman na isa sa mga ito ay ang tinatawag na AR15 assault rifle, habang ang isa naman ay isang handgun.
Maliban sa kasong kinahaharap ng suspek ngayon, ay binigyang-diin pa ni Madamba na matagal nang may kasong kriminal ang suspek kung saan ay una na nitong pinagtangkahan ang buhay ng sarili niyang ina gamit ang isang bomba, baril, at iba pang mga armas noong 2021.