Maasugid nang inaabangan ng mga football fans ang mga susunod na laro sa FIFA World Cup 2022.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bombo International News Correspondent Melchor Omanito Jr., sinabi nito na bagamat sa kabila ng pagkadismya ng ilan sa pagkatalo ng host country na Qatar laban sa koponan ng Ecuador sa official kick-off ng naturang torneo ay inaabangan na ng lahat ang mga susunod na laro sa pagitan ng iba’t ibang mga koponan sa mga susunod na araw.
Gayunpaman ay inaabangan ng marami ang susunod pang mga laban sa pagitan ng iba’t ibang koponan kung saan ay pinataob ng koponan ng England ang Iran ng Group B sa score na 6-2 sa kanilang laro na ginanap sa Khalifa International Stadium.
Habang susunod namang magkakalaban ang Senegal at Netherlands ng Group A sa Al Thumama Stadium, USA at Wales ng Group B sa Ahmad Bin Ali Stadium.
Habang magkakaharap naman ang Argentina at Saudi Arabia ng Group C sa Lusail Stadium, Denmark at Tunisia ng Group D sa Education City, at Mexico at Poland ng Group C sa Stadium 974.
Subalit ang pinakainaabangan naman na laban ng mga football fans aniya ay sa pagitan ng World Cup defending champion na France at bansang Australia ng Group D na gaganapin sa Al Janoub Stadium.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Omanito na nagpapatuloy silang mga FIFA Volunteers sa pag-assist at paggabay sa mga football fans upang ligtas at maayos silang makarating sa mga venue ng iba’t ibang mga event sa Qatar para sa nagpapatuloy na kompetisyon.