DAGUPAN CITY — Nasa kustodiya na ng kapulisan ang suspek sa pamamaril sa isang school bus ng University of Virginia sa Estados Unidos, kung saan nasawi ang 3 katao habang lubhang nasugatan naman ang 2 iba pa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bombo International News Correspondent Isidro Madamba Jr. sa California, USA, nakilala ang suspek na si Christopher Darnell Jones Jr., 22-anyos, residente ng Petersburgh, Virginia, estudyante at dating football team member ng University of Virginia, at matagal nang nasa ilalim ng radar ng kapulisan ng nasabing lugar simula pa lamang noong Setyembre dahil naman sa isang hazing incident na kinasasangkutan nito.
Aniya na consistent honor student ang suspek nang ito ay nasa high school pa lamang, habang nagsilbi rin itong presidente ng Key Club, at Jobs for Virginia Graduates Program. Subalit napag-alaman na maraming insidente at gulo na ang kinasangkutan nito gaya ng ilang criminal incident, at gayon na rin ang pagsampa ng administrative charges ng pinasukan niyang paaralan laban sa kanya na pending for investigation pa rin hanggang sa ngayon.
Saad ni Madamba na naaresto ang naturang suspek matapos ang 13 oras na isinagawang manhunt ng mga otoridad sa bisa ng warrant of arrest kung saan ay kinasuhan ito ng three counts ng second-degree murder at three counts ng felony sa paggamit ng baril, sa layong 120.70km timog-silangan ng Charlottesville.
Lumabas naman sa imbestigasyon ng kapulisan na pinagbabaril ng suspek ang limang miyembro ng football team ng University of Virginia kung saan kinilala ang tatlong nasawi na sina D’Sean Perry, Lavel Davis Jr., at si Devin Chandler, bago ito tumakas gamit ang kanyang itim na SUV. Hindi naman na pinangalanan ang dalawa pang estudyante na lubhang nasugatan sa nasabing pamamaril.
Hindi pa rin naman matukoy ng kapulisan kung ginawa ng suspek ang krimen sa loob ng school bus na ginamit ng mga estudyante para sa isang field trip sa Washinton D.C. o kung pinagbabaril nito ang mga biktima habang pababa sila ng naturang sasakyan.
Kaugnay nito ay nagsagawa naman ng candlelight vigil ang mga estudyante at community members sa University of Virginia bilang pagluluksa sa mga nasawing indibidwal.
Dagdag ni Madamba na ginagawa naman ng mga kinauukulang ang lahat upang mas mapaigting pa ang una ng naipasang Gun Control Law upang maiwasang maulit muli ang mga ganitong pangyayari.