DAGUPAN CITY — Inirereklamo ng mga residente ng Brgy. Malawa, Lingayen, Pangasinan ang kawalan ng mga kinauukulan ng pagtugon sa basura sa kanilang lugar.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Nelson Angeles, isang concerned citizen ng naturang barangay, binigyang-diin nito ang pagnanais nilang maliwanagan sa usapin patungkol sa pondo ng Solid Waste Management na inilabas at pinirmahan ni Punong Brgy. Avelino Aquino at Brgy. Treasurer Elizabeth Anecito.

--Ads--

Aniya na 2019 pa inilabas at pinirmahan ang pondong gagamitin sana sa pagtugon sa nasabing problema ng barangay subalit hanggang ngayon ay hindi pa nakapagsasagawa ang mga kinauukulan ng waste collection. Dagdag pa ni Angeles na naidulog na niya ang usaping ito sa Department of Interior and Local Government subalit hindi ito nasiyahan sa naging resulta ng kanilang imbestigasyon.

Maliban dito ay nagpahayag din ito ng labis na pagkabigo sa kinalabasan ng Committee Hearing na ginanap sa Lingayen, partikular na ang pagtrato sa kanya ni Municipal Councilor Jonathan Ramos, kung saan imbes na si Angeles sana ang nagtatanong sa mga kinauukulan ay siya pa umano ang pinaulanan ng mga katanungan ng nasabing konsehal. Hindi rin aniya kinausap ng konsehal ang Barangay Captain tungkol sa kawalan ng maayos na programa nito sa Solid Waste Management.

Saad nito na sapagkat naghain ito ng reklamo patungkol sa usapin bilang residente ng Brgy. Malawa, ay dapat lamang na gawin umano ng mga kinauukulan ang kanilang trabaho at muling magsagawa ng imbestigasyon sa naturang barangay para matugunan na ang problema sa matagal ng nakaimbak na mga basura sa kanilang barangay.

Kaugnay nito ay ikinatuwa naman niya ang naging tugon sa kanyang reklamo ni Municipal Kagawad Rod Borosi na nagpahayag naman ng pag-sangayon sa pagdulog ni Angeles ng problema ng Brgy. Malawa sa kanilang opisina.

Pinirmahan naman ni Lingayen Mayor Leopoldo Bataoil ang dokumentong naglalaman ng kumpletong detalye at mga sumusuportang dokumento sa reklamong isinumite ni Angeles sa kanilang opisina, habang attested din aniya ni Vice Mayor Mac Dexter Malicdem ang naturang isyu.

Subalit dahil hindi naman umano ito nasiyahan sa kinalabasan ng committe hearing ay mas pipiliin na lamang nito na humanap ng ibang solusyon at ibang makakatulong sa kanya at kapwa residente nito sa pagtugon sa problemang kinakaharap nila ngayon sa kanilang barangay.