Puspusan ang isinasagawang paghahanda at pageensayo ng isa sa mga kinatawan ng Pangasinan para sa gaganapin na World Karate Foundation (WKF) World Karate Series sa Jakarta, Indonesia.


Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay John Enrico “Joco” Vasquez – Karateka National Athlete, at residente ng Dagupan City, sinabi nito na labis ang paghahandang ginagawa nito para sa unang serye ng naturang kompetisyon kung saan ay makakalikom ng mga puntos ang mga kalahok upang tumaas ang kanilang rango sa nasabing larangan.


Binigyang-diin nito na ibinibigay naman niya ang lahat ng kanyang makakaya dahil maraming kinatawan ng iba’t ibang bansa sa buong mundo ang maglalaban-laban sa torneong ito at inaasahan din niyang malalakas ang kanyang mga makakatunggali.

--Ads--


Maliban dito aniya ay patuloy din ang pagtulong at pagagapay sa kanya ng kanyang coach upang mapabuti at malinang pa ang kanyang kasanayan at abilidad para sa darating na kompetisyon.


Dagdag pa ni Vasquez na malaking tulong sa kanya ang pagensayo ng mga kata movements upang maging mas natural pa ang mga techniques at pagatake nito, kung saan ay kabilang din sa criteria for judging sa naturang torneo ang athletic performance at technical performance.


Inaasahan naman ni Vasquez na ang pinakamalalakas nilang makakaharap ay mga kinatawan na mula sa Indonesia, Peru, at Japan.


Dagdag naman ni Vasquez na isa sa mga istratehiya sa naturang torneo ay kung papaano mapapabilib ang mga judges base sa mga uri ng kata na ipapakita nila, kaya importante rin aniya na kilalanin o kilatisin ang mga hurado.


Magsisimula naman ang Series A ng WKF World Karate Series sa Biyernes, Nobyembre 18 at magtatagal hanggang sa Linggo, Nobyembre 20, 2022.