Inoperahan at inalis ang isang baga ng 13-anyos na biktima na tumilapon mula sa isang amusement park ride sa Brgy. Nancayasan, Urdaneta City, Pangasinan.
Ayon sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marivic Fajardo, ang ina ng biktima ng naturang binatilyo na kinilalang si Mark Gian Fajardo, grade 8 student, kasalukuyan pa ring nasa Intensive Care Unit ang kanyang anak subalit stable naman na ang kalagayan nito.
Pagsasalaysay ni Fajardo na magkasama ang kanayng anak at ang pinsan nito na sumakay sa naturang ride ng mapansin ng kanyang anak na malakas na ang duyan ng sinasakyan nila.
Sinubukan umanong tawagin ng kanyang anak ang atensyon ng operator ng naturang amusement park ride na itigil na ang pagpapaandar sa duyan dahil nahihilo na ang kanyang pinsan, subalit hindi ito pinakinggan ng operator na humantong naman sa pagkakatilapon ng kanyang anak mula sa sinakyan nilang ride dahil napagalaman din na sira at hindi pala secured ang lock ng ride na sinakyan nila.
Dagdag ni Fajardo na napuruhan naman ang baga ng kanyang anak mula sa pagkakatama nito sa bakal nang tumilapon ito sa naturang amusement park ride.
Nakausap naman na umano ng pamilya ang may-ari ng nasabing peryahan, at nakipag-areglo na rin ang mga ito na sasagutin naman nila ang lahat ng gastusin nila sa ospital.
Kaugnay nito ay nilinaw din ni Fajardo na hindi na sila magsasampa ng kaso laban sa may-ari ng peryahan, subalit kung hindi naman ito susunod sa kanilang napagkasunduan ay idedemanda naman nila ang mga ito.