DAGUPAN, CITY – Nahuli habang nagtitirik pa ng kandila sa kanyang yumaong kaanak noong araw ng Undas ang Top 1 Most Wanted Personality sa bayan ng Manaoag dahil sa kasong Statutory rape.
Ito ay sa pamamagitan ng isang espesyal na operasyon katugon ang provincial at regional intelligence unit kasabay ng pagbabantay sa mga sementeryo ang ginawa ang kanilang hanay upang mahuli ang mga indibidwal na may kinakaharap na kaso sa nabanggit na bayan.
Ayon kay P/Maj. Fernando Fernandez Jr. Chief of Police ng Manaoag PNP, ang suspek ay kinilalang si Marvin Tabahonda Estacio alyas “Mojako,” 25 taong gulang na isang contruction worker mula sa barangay Pugaro sa nabanggit na bayan na nanggahasa sa isang menor de edad na biktima.
Nahuli ang suspek sa isang sementeryo sa barangay Babasit.
Aniya, ang suspek ay nagawa ang naturang krimen noong nakaraang taon at nasampahan ng kaso ngayong 2022.
Kakaharapin ng suspek ang nabanggit na kaso na may mas mataas na kaparusahan at hindi papayagang makapagbigay ng anumang piyansa.
Sa datos mula sa naturang himpilan bahagyang tumaas ngayong taon ang kaso ng rape sa bayan ng Manaoag. Taong 2021, nakapagtala ng 14 na kaso ngunit ngayong 2022, ay nasa 18 na ito.
Ngunit paglilinaw naman ni Fernandez na sa nabanggit na bilang ngayong taon, 14 sa mga ito ang nahuli na ng kanilang hanay habang ang 4 naman ay nasampahan na ng kaso at tinutugis na nila.