DAGUPAN, CITY – Isa-isang sinagot ni Dr. Jess Canto ang mga katanungan patungkol sa sakit na ulcer. Ayon sa paliwanag ni Canto sa programang Dr. Bombo, ang ulcer o sugat sa mga pader ng bituka, tiyan at esophagus ay maaaring magdulot ng matinding kirot sa tiyan.
Tinatawag itong gastric ulcer kapag nakaaapekto sa tiyan, duodenal ulcer kung sa unahang bahagi ng bituka, at esophageal ulcer naman kung nasa esophagus.
Ito ay kadalasang dulot ng impeksyon ng bacteria na Helicobacter pylori sa mga pader ng mga daluyan ng pagkain.
Bagaman kadalasan ay gumagaling naman ng kusa, hindi pa rin ito dapat na isawalang bahala sapagkat maaari itong humantong sa mga mas seryosong komplikasyon gaya ng cancer sa bituka.
Aniya, maliban sa naturang bacteria maari ring ugat ng ulcer ang reaksyon mula sa asido ng tiyan at impeksyon ng bacteria, dahil sa mga iniinom na gamot na nabibiling over-the-counter gaya ng aspirin, ibuprofen, naproxen na maaaring magdulot ng iritasyon o pamamaga sa mga pader ng daluyan ng pagkain.
Kaya naman mungkahi ng Canto, upang makaiwas sa mga nabanggit na sakit, mainam na gawin natin ay ang healthy lifestyle.
Ito ay sa pamamagitan ng pag-iwas sa maaanghang na pagkain, pag-inom ng madalas ng aspirin at mga over-the-counter pain relievers, pag-iwas sa alak at paninigarilyo, at pag-iwas sa stress.
Payo naman ng naturang doktor na kapag may mga nararansang sintomas ng ulcer gaya na lamang ng hindi maalis-alis na sakit sa tiyan, pagbawas ng timbang, pagkahilo at pagsusuka, hangin sa tiyan, acid reflux, at heartburn, ay agad na magpakunsulta sa doktor para mabigyang lunas ang nabanggit na sakit.