Malayo pang magpakawala ng tubig ang San Roque Dam sa kabila ito ng mga naitalang pag-uulan sa nakalipas na araw dulot ng naging pagbaybay ni Bagyong Paeng sa Hilagang Luzon.
Ayon kay Tom Valdez ang siyang Vice President for Corporate Social Responsibility ng San Roque Power Corporation na sa kasalukuyan ang Dam ay mas mababa pa sa normal na antas ng tubig.
Aniya nasa 12-13 meters below ito kung saan as of 6 am ngayong araw, Oktubre 31 ang lebel ng tubig ay nasa 267.27 meters pa ito na malayo sa dapat sana’y 280 meters.
Kaya naman wala umanong dapat ipangamba ang publiko hinggil sa mga pagbaha at tiniyak din nito na masusi ang kanilang pagsubaybay sa dam sa posibilidad na pagpapalabas ng tubig.
Inaasahan din aniya na sa pagtatapos ng panahon ng tag-ulan ay maitatala lamang ang 270 meters na lebel ng tubig nito na kulang pa sa dapat sana’y 280 meters na lebel ng tubig para masustain ang mga irrigation systems lalo na’t nalalapit na ang pangalawang cropping season ng mga magsasaka.
Gayunman, ay tiniyak naman nito na patuloy ang pagpupulong sa pagitan nila at ng iba pang ahensya ng gobyerno kabilang na ang National Irrigation Administration para sa pagtugon sa posibilidad na kakulangan ng tubig sa mga magsasaka.
Dagdag pa nito na bagaman may paparating na bagyong papasok sa bansa ay malabo aniya itong magpaulan sa Hilagang Luzon.