Nakalulungkot.


Ganito isinalarawan ni Bombo International News Correspondent sa bansang South Korea na si Aluh Abendan ang nangyaring stampede sa papular na Itaewon nightlife district kung saan ay nasawi ang 151 na indibidwal mula naman sa mahigit 100,000 na katao na dumalo para sa isang Halloween party sa naturang lugar.


Sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, binigyang-diin nito na nagdiriwang ang mga partygoers sa kahabaan ng isang eskinita sa nasabing lugar nang marinig nila ang isang balita na mayroon umanong isang sikat na artista ang darating sa naturang pagdiriwang na nagudyok naman sa kanila upang magkagulo at magtulakan upang mauna lamang nilang makita ang artista.

--Ads--


Dagdag pa ni Abendan na pahilig o pababa ang eskinita kung saan nangyari ang insidente kaya naman marami ang sumadsad sa simento at nadaganan pa ng mga nagkakagulong mga partygoers. Dahil dito aniya ay nahirapan ang ilan na makabangon at makahinga sa pagkakadapa na naging sanhi naman ng pagkasawi ng maraming dumalo, kung saan ang pinakabatang nasawi ay 16-anyos lamang. Maliban dito ay nasa daan-daang indibidwal din ang sugatan dahil sa naganap na stampede.


Mabilis naman aniya na nakapagpadala ng emergency response team ang South Korean government na kaagad namang tumugon sa insidente.


Kaugnay naman nito ay kinansela na ng South Korean government ang lahat ng mga events para maiwasan ang pagkaka-ulit ng trahedyang ito. Saad pa ni Abendan na magkakaroon naman ang buong bansa ng pagluluksa bilang pakikiramay sa mga nasawi at pamilya ng mga ito sa utos ni South Korea President Yoon Suk-yeol.

Maliban pa rito ay wala namang inilalabas na anumang ulat na may kaugnayan naman sa pagkakakilanlan ng sinasabing artista na dadalo sana sa naturang event. Pagtataya naman ni Abendan na ito ay bilang confidentiality o para hindi na isisi pa rito ng mga pamilya ng mga nasawi at nagsipagdalo ang nangyaring trahedya.