Mahigpit na binabantayan ngayon ng Pangasinan Provincial Health Office ang paglaganap ng hand, foot, and mouth disease na naitatala sa lalawigan, partikular na sa bayan ng Balungao kung saan ay mayroon ng kabuuang 32 kaso ng naturang sakit.


Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Anna Marie de Guzman, Provincial Health Officer, binigyang-diin nito na bagamat hindi ito ang unang pagkakataon na nakapagtala ng naturang sakit sa lalawigan, ay ikinababahala naman ng kanilang hanay ang paglobo ng bilang ng mga kasong may kaugnayan dito.


Dagdag pa ni de Guzman na ang mga nakararanas ng naturang viral infection ay nagpapakita ng mga sintomas na paglagnat, rashes o mga sores sa bunganga, kamay at paa. Habang ang kadalasan namang tinatamaan nito ay mga bata. Mainam din aniya na nalalabanan ang dehydration na dinudulot naman ng lagnat at ang paga-isolate sa mga nakakaranas ng nakakahawang sakit upang maiwasan ang paglaganap nito.

--Ads--


Kaugnay nito ay patuloy naman ang pakikipaguganyan nila sa mga Local Government Units tungkol sa pagbibigay ng abiso sa mga mamamayan sa kahalagahan ng handwashing at iba pang mga safety protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, upang maiwasan ang pagkakahawaan o pagkalat ng naturang infection. Pinapayuhan din nila ang mga magulang na sa oras na makitaan nila ang kanilang mga anak na nakakaranas ng mga sintomas ng hand, foot, and mouth disease ay huwag na silang papasukin at i-isolate sila kaagad.


Maliban pa sa Balungao ay nakapagtala na rin ng 7 kaso ng viral infection ang bayan ng Calasiao, habang may 6 na kaso naman na ang naitala na sa Burgos. Kasama rin ng mga nabanggit na lugar ang mga bayan ng Rosales at Umingan na nasa ilalim ng PHO watchlist.