DAGUPAN CITY — Labis na ikinagulat at hindi lubos akalain ng hanay ng mga health workers ang pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay dating Philippine National Police Chief General Camilo Cascolan bilang Department of Health Undersecretary.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jao Clumia, ang President ng St. Luke’s Medical Center Employees Association, binigyang-diin nito na bagamat hindi nila minamaliit ang kakayahan ni General Cascolan bilang dating PNP Chief, ay hindi naman nila maiwasang tumutol at mabahala sa naging desisyon ng pangulo dahil hindi naman ito ang espesyalidad ng naturang opisyal.

--Ads--

Dahil dito aniya ay nagaalala naman ang kanilang hanay para sa kalusugan ng sambayanang Pilipino na dapat sana ay makikinabang dito. Hindi rin nila maiwasang mapaisip kung ano nga ba talaga ang plano ng Punong Ehekutibo hindi lamang para sa hanay ng kalusugan subalit ganon na rin para sa kapakanan ng mga taumbayan.

Binigyang-diin pa ni Clumia na wala silang expectation o masyadong inaasahan mula sa former PNP Chief lalo na’t marami silang katanungan sa medisina na sigurado silang hindi naman masasagot ng bagong DOH Undesecretary. Dagdag pa nito na maliban sa usapin ng legality, ay wala silang nakikitang anumang maitutulong ni General Cascolan sa kanila na hindi naman eksperto pagdating sa mga usaping pangkalusugan lalo na’t napakalaking tungkulin ang ginagampanan ng mga health workers ng bansa.

Maliban pa rito ay ikinababahala rin nila ngayong may heneral na sa kanilang hanay na maaaring makompormiso naman ang kapakanan ng mga health workers na nire-redtag sa kabila ng panawagan nila sa gobyerno na ibigay ang mga benepisyo at tulong na dapat ay nakukuha nila.

Kaugnay nito ay labis din ang pag-aalala ng kanilang grupo kung ang naturang pagtatalaga ng Pangulo sa dating PNP Chief bilang DOH Undersecretary ngayong wala pang nailuluklok bilang DOH Chief ay isa sa kanyang mga istratehiya bilang counter measures sa pagtutok naman ng grupo ng mga health workers at nurses sa kanilang mga benepisyong matagal na nilang hinihiling mula sa gobyerno, partikular na ang matagal nang ipinangako sa kanilang P11.5 million at emergency allowance.

Inihayag din ni Clumia ang kanilang pagkabigo sa Punong Ehekutibo dahil lumipas na ang 100 araw nito simula nang umupo siya sa pwesto subalit nananatili namang puro pangako at hanggang salita lamang ito at walang nakikitang pagkilos ang mga health workers ng bansa bilang tugon sa matagal na nilang mga panawagan.

Hinihiling naman ng kanilang hanay na kung magtatalaga man ang mga kinauukulan ng Kalihim ay yung mayroon namang kaukulang karanasan sa pwestong ibibigay o uupuan nito at hindi kung sinu-sino na lamang ang iluluklok upang mapunan lamang ang kakulangan sa opisyal ng isang ahensya.