“Ang unang 100 araw ng isang Pangulo ay ginagamit na batayan kung naging makabuluhan ang naging pamumuno ng isang lider ng bansa.” Ito ang naging pahayag ni Froilan Calilung, isang Political Analyst, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa first 100 days ng administrasyong Marcos Jr.
Binigyang-diin nito na kung titignan ang konteksto ng pamumuno at ng pamahalaan na inilatag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay dapat umano nating maintindihan na hindi naging madali ang kanyang pag-upo bilang bagong pangulo ng Pilipinas dahil sa iba’t ibang suliraning kinahaharap ng bansa gaya ng post-pandemic rehabilitation at recovery, global inflation, at iba’t iba pang problema sa bansa.
Dagdag pa ni Calilung na kung pagbabatayan naman ang kanyang nagawa, nakikita naman na 11 out of different parameters sa grado ng Punong Ehekutibo, ay lumalabas na naging maganda naman ang pagtanggap ng taumbayan sa administrasyong Marcos.
Subalit, nakikita naman ni Calilung na nararapat pa ring pagtuunan ng pansin at bigyan ng agarang aksyon ang mga problemang kinahaharap ng bansa gaya ng inflation, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at kakayahan ng gobyerno na bigyan ng hanapbuhay ang mga Pilipino, at pagtataas ng sahod ng mga manggagawa.
Gayunpaman, muling idiniin ni Calilung na bagamat lumabas din sa katatapos na Pulse Asia Survey na hindi masyadong pumasa ang Pangulo sa sambayanang Pilipino, ay kailangang bigyan ng mga Pilipino ang administrasyong Marcos ng pang-unawa partikular na sa mga nangyaring pagtatalaga ng mga opisyal sa iba’t ibang sangay at ahensya ng gobyerno.