DAGUPAN, CITY – Mariing tinututulan ng isang grupo ng Tricycle Operator at Drivers ang House Bill 32 o motorcycle safety riding act na isinusulong ni dating house speaker Rep. Lord Allan Velasco.
Ayon kay Ramon Ramos, Presidente ng Tricycle Operator & Drivers Association sa lungsod ng Urdaneta, ang nabanggit na panukalang batas na nagtatakda na bago makakuha ng motor o magrenew ng lisensya ang isang rider ay kailangan pa nito na maging member ng isang rider’s club ay hindi magiging katiyakan ng kaligtasan at disiplina ng mga motorista sa kakalsadahan sa bansa.
Aniya, ito lamang umano ay magdudulot ng dagdag gastos sa bahagi ng mga kukuhang drivers at maaring outlet ng kurapsyon lalo na at magiging dagdag iisipin nila ang membership fee ng mga rider’s club.
Bukod pa umano rito, hindi rin umano tiyak na na maituturo talaga sa mga magpapamiyembro ng nabanggit na grupo ang safety driving certificate na kinakailangan sa tamang pagdisiplina sa daan gaya na lamang ng defensive driving sa ilalim ng Republic Act 4142.
Kaya naman mungkahi ni Ramos, may mainam umano na dapat tamang ahensya na lamang ang magbigay o magtakda nito gaya na lamang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office o LTO at automotive association of the Philippines.