DAGUPAN – Napapanahon na ang pagkakaroon ng retirement benefit sa mga atleta na nagbibigay ng karangalan ng bansa.
Kasunod ito ng pagpanaw ng tinaguriang Sprint queen na si Lydia De Vega sa edad na 57 taong gulang dahil sa sakit na breast cancer.
Ayon kay Coach Angel Gumarang, sports enthusiast sa lalawigan ng Pangasinan, isa umano sa dapat na maisulong para sa larangan ng pampalakasan ay ang pagkakaroon ng mga benepisyo para sa mga atleta na sa kanilang pagreretiro dahil marami umano sa kanila ang nawawalan na ng pagkakakitaan o pera sa kanilang inactive years.
Aniya, sa kaso ni De Vega, mainam umano na mabigyan ito ng pagkilala kahit sa huling sandali ng kanyang buhay at mabigyan din umano ng benepisyo kahit man lang sa kanyang mga nauliling pamilya.
Hindi rin umano naging madali ang ibinigay na karangalan ng naturang atleta lalo na ng kanyang peak of career noong dekada 80 na maituturing dominante sa larangan ng Philippine Sports dahil sa paghawak nito ng national record sa 100 meter sa track and field at pag-uwi ng maraming medalya para sa bansa mula sa SEA Games at Asian Games at maging ang pagsabak nito sa Olympics.