Dismayado ang grupong Alliance of Concerned Teachers sa naging mga pahayag sa State of The Nation Address ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Ayon kay France Castro ang siyang Representative ng ACT Partylist na walang mga konkretong pahayag ang pangulo hinggil sa mga hakbangin para sa tuluyang pagresolba ng mga isyu sa bansa.
Aniya masyadong naging ‘general’ ang mga isinaad ng pangulo na mga programang kaniyang ilalatag tulad na lamang umano sa kung papaano maaksyunan ang korupsyon sa pamahalaan.
Hindi rin umano nailahad ni Pangulong Marcos Jr. ang isyu ng mga paglabag sa karapatang pantao na isa sa mga pangunahing problemang dapat matugunan.
Sa kanilang hanay din ay hindi rin umano nabanggit ang matagal na nilang pinapanawagan na dagdag sahod o salary upgrading.
Malabo rin aniya ang pahayag nito sa pagtitiyak na magiging maayos at ligtas ang lahat ng mga estudyante sa nalalapity na pagbubukas ng klase sa buwan ng Agosto.
Bagaman may mga kaunting mga magagandang proyekto itong naisama sa kaniyang listahan tulad na lamang ng pagtatayo ng mga specialty hospitals sa mga probinsya ay ang malaking hamon dito ay kung saan umano makakakuha ng sapat na pondo upang ito ay maisakatuparan.
Lalo na’t aniya na sinaad ng pangulo na magiging prayoridad ang infrastracture sector na umaabo sa isang trilyong piso ang gagatusin para ipagpatuloy ito at magpahanggang sa ngayon ay hindi pa rin napakikinabanangan ng mga Pilipino.
Kulang rin aniya ang mga ibinigay nitong pamamaraan sa pagtugon sa pagpapalakas ng produksyon ng bansa na siyang titiyak ng ating food security.