Medyo masama ang loob ng mga protester sa hanay ng PNP dahil hindi nasunod ang napagkaisahan nila kaugnay sa isinagawang kilos protesta kahapon kasabay ng inagurasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay Jerome Adonis, secretary general ng Kilusang Mayo Uno, plano sana nilang magkaroon ng protesta sa Liwasang Bonifacio dahil freedom park at walang kinakailangang requirements pero tinambakan ito ng maraming mobile car at sinabi nilang pupunta doon ang mga supporters ni PBBM.

Pero nakita nila sa video na walang mga supportes kundi mga pulis ang narorooon.

--Ads--

Sinabi ni Adonis na kinausap umano sila ng mga pulis at pinakiusapan kaya sila ay lumipat ng Plaza Miranda kung saan doon na ipinagpatuloy ang kanilang protesta.

Giit ni Adonis na kahit matuloy pa sila sa Liwasang Bonifacio ay gusto nila ng mapayapang protesta.

Kaya walang dahilan para harangin sila ng mga pulis dahil ang kanilang isinisigaw ay mga lehitimong demand na nais nilang maiparating dahil sa nararanasang krisis tulad ng tuloy tuloy na taas sa presyo ng produktong petrolyo, mababang sahod ng mga mangagawa at marami pang iba.

Binigyang diin pa niya na hindi dapat silang ituring bilang kaaway ng pamahalaan.

Kaya lang aniya nagkakaroon ng gulo kapag may protesta dahil hinaharangan ng mga pulis ang kanilang martsa.