“Bagong laya lamang at balik muli sa transakyon sa illegal na droga.”
Ito ang pagkakakilanlan ng dalawa sa apat na nahuling suspek na nahulian ng illegal na droga na nagkakahalaga ng nasa 340,000 pesos sa lungsod ng Dagupan.
Ayon kay Richie Camacho, Chief ng PDEA Pangasinan, ang isang suspek na si Roberto Maramba alyas Jayson ay kilala nang tulak ng shabu at kakalaya lamang kamakailan dahil din sa pagkakasangkot sa naturang aktibidad.
Kasama rin kasi ni Maramba sina Gilbert Fernandez, Eduardo Soriano at Malaya Ganzon.
Aniya, matagal na umano nilang binantayan ang nasabing mga gawain ng mga suspek kaya naman ng nagkaroon ng pagkakataon ay nagkasa na ang kanilang hanay ng buy-bust operation upang mahuli ang mga ito.
Nabisto ang mga nabanggit na suspek sa pamamagitan ng pagpapanggap ng isang PDEA agent upang bumili ng 50 grams ng shabu mula sa grupo ni alyas Jayson.
Malaiban umano sa nabanggit na illegal na droga, nakumpiska rin mula sa mga suspek ang 1,000 peso na buy bust money, 199 na boodle money, isang cellphone, 3 wallets at cash, iba’t ibang mga ID at isang motorsiklo.
Kaya naman ang mga suspek ay kakaharap muli sa kaso na may kinalaman sa paglabag sa Section 5 in relation to section 26 paragraph b, art II ng Republic Act 9165.