Umaabot na sa halos 90% ng kabuuang bilang ng public schools sa Rehiyon 1 ang nagsasagawa na ng expanded face to face classes.
Ito ay ayon kay Deped Region 1 Director Dr. Tolentino Aquino, sa kanilang pinaka huling datos ay mayroon ng 2,552 participating schools ang matagumpay ng nakapagsagawa ng in person classes at sa kabuuan naman ay nasa 723,000 na mga mag-aaral na ang nakibahagi kung saan 60% naman ito ng sumatotal ng mga estudyante na naka enroll sa kasalukuyang school year.
At ikinakatuwa din nila na hanggang ngayon ay wala pang naitatalang mga estudyante at guro na tinamaan ng covid 19 habang nagpapatuloy ang in person classes.
Base din sa kanilang monitoring, mahigit 300 paaralan na lamang sa buong region 1 ang hindi pa nakakapagsagawa ng face to face classes ngunit ang iba naman sakanila ay inuumpisahan na ang pagkumpleto sa mga kinakailangan requirements upang sila ay mapayagan na din.
Saad ni Aquino, kung hindi naman makahabol bago matapos ang school year na ito ay magiging hamon sa mga paaralan na mas paghandaan na ito upang sila ay makapagsimula na din sa susunod na pasukan na nakatakda sa buwan ng Agosto ngayong taon.
Samantala dagdag naman ni Aquino, tinitiyak na nila ang kanilang kahandaan matapos ihayag kamakailan ni DepEd Secretary Leonor Briones na mas malaki na ang posibilidad ng full implementation ng face to face classes sa susunod na school year 2022-2023.