Umakyat na sa 42 ang kaso ng suicide sa lalawigan ng Pangasinan sa loob lamang ng mahigit limang buwan ngayong taong 2022.

Pagsasaad ni PMAJ. Katelyn Awingan na siyang tagapagsalita ng Police Provincial Office ng lalawigan na nakakaalarma ang kanilang datos kung saan simula noong Enero hanggang sa kasalukuyan ay nasa 42 ang mga kaso ang naitatalang pagkitil ng sariling buhay at 95% nito ay pawang mga kalalakihan.

Aniya na ang nakikitang pangunahing mga dahilan ng pagtitiwakal o pagpapakamatay ay sa problema sa relasyon o isyu sa pamilya.

--Ads--

Kung kaya’t patuloy umano ang kanilang isinasagawang mga information drive sa pamamagitan na rin ng social media upang magkaroon ng kamalayan ang bawat residente hinggil sa kahalagahan ng pagbibigay suporta sa mga taong dumaranas ng isyu sa kanilang mental health.

TINIG NI PMAJ. KATEYN AWINGAN

Dagdag pa ng naturang opisyal na masusi rin ang kanilang isinasagawang koordinasyon sa mga pribadong organisasyon na tumatalakay at tutumutulong sa pagpapalakas ng usapin ukol sa suicide para makapagsagawa ng mga seminars para sa malawakang pagbibigay impormasyon sa publiko.

Aminado rin umano ito na malaki ang naging impluwensiya ng kasalukuyang pandemya sa pinagdadaanan ng tao tulad na lamang ng kawalan ng trabaho kung kaya’t kinakailangan lamang aniya na magkaroon ng interbensyon ang kanilang hanay patungkol rito.