Muli na naman ipapanawagan ng transport group na Alliance of United Transport Organization Province-wide o AUTOPRO-Pangasinan ang 15 pesos na minimum fare dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Ayon kay Bernard Tuliao, Presidente ng AUTOPRO Pangasinan, kanila ulit na kakalampagin ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB para sa fare increase petition na 5 pesos na idagdag sa kasalukuyang minimum fare.
Aniya, hindi kaya ng mga driver ang mataas na presyo ng gasolina at idagdag pa ang kanilang boundary na nasa 250-500 pesos kada araw kung kaya’t wala rin halos nakita sa maghapong pamamasada ang mga tsuper.
Dagdag ni Tuliao, karamihan sa kanilang miyembro ang nag half-day sa pamamasada at ang iba ay naghanap na lang ng ibang pagkakakitaan.
Matatandaan na taong 2008, P22.20 ang presyo ng kada litro ng krudo at P8.50 ang minimum na pamasahe pero ngayong taong 2022 ay P70.00 na subalit ang minimum na pamasahe ay P9.00 lang.