Mas tumitindi pa ang mga isinasagawang mga protesta ng mga residente sa Sri Lanka kasunod ng kanilang panawagang pagbibitiw ng punong ministro dahil sa lumalalang krisis sa ekonomiya.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Priscilla Rollo Wijesooriya na sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin umano ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin habang nagkakaubusan na rin ng suplay ng mga gamot.
Aniya malaki man ang naging epekto ng pinagdadaanang pandemya para sa kasalukuyang sitwasyon ng kanilang bansa ay ang naging korupsyon sa ilalim ng administrasyon ni Prime Minister Mahinda Rajapaksa ang may pinakamalaking ambag kung kaya’t maraming mga residente ngayon ang dumadaing ng pagbibitiw ng opisyal.
Sa kasalukuyan ay maituturing umanong mapanganib ang kanilang bansa dahil sa kaliwa’t kanang protesta kung saan maging ito ay naging biktima ng karahasan matapos umanong manghimasok at atakihin ng isang lalaki ang kanilang pamilya sa sarili nilang tirahan.
Hinimok naman nito ang lahat ng mga Pilipinong nananatili sa Sri Lanka na maging maingat at iwasang magtiwala sa sinuman ngayong mas lumalalala ang krisis sa kanilang bansa.