Nagbigay linaw ang Department of Education (DepEd) Region 1 hinggil sa pagsuspindi sa pasok ng mga mag aaral mula kindergarten hanggang grade 12 sa buong bansa mula May 2-13 para bigyang daan ang mga “elections-related activities.”
Ayon kay Cesar Bucsit, head ng Public Affairs Division ng DepEd Region 1, ito ay para mapaghandaan ng mga guro ang nalalapit na halalan sa Mayo 9.
Paliwanag nito na inilaan ng kagawaran ang nasabing mga araw upang magampanan ng mga guro at mga kawani ng DEPED ang kanilang “elections-related activities.”
Samantala, giniit ni Bucsit na hindi nito maaapektuhan ang school calendar para sa school year 2021-2022 dahil hindi naisali ang nasabing mga petsa sa bilang ng school days.
Hindi na rin aniya kailangan ang make up classes.
Una rito inanunsyo ng DepEd ang suspension ng klase sa mga pampublikong eskuwelahan sa elementarya at high school mula Mayo 2 hanggang 13 upang bigyang daan ang national at local elections.
Sa kabila ng pagsuspinde sa klase, inoobliga naman ng kagawaran ang mga guro na magreport sa eskuwelahan kahit sa mga araw na walang aktibidad.