Patuloy na dinadagsa ang mga simbahan sa lalawigan ng Pangasinan bilang pagobserba linggo ng Palaspas ngayong araw.
Matatandaang matapos ang 2 taong pagkakaroon ng limitasyon dahil sa COVID-19 pandemic, ay binuksan ang mga simbahan para sa mananampalataya.
Ayon kay Pmaj. Fernando Fernandez Jr. ang siyang Office in charge ng Manaoag PNP na kanila nang inaasahan nang marami sa mga katoliko ang magtutungo sa Minor Basilica of Our Lady of Manaoag lalo na’t naibaba sa pinakamaluwag na restriksyon ang lalawigan.
Aniya bago ang naturang selebrasyon ay nagsagawa na sila ng mga pagpupulong para masigurong magiging payapa ang naturang aktibidad.
Humingi na rin aniya sila ng karagdagang pwersa sa hanay ng kapulisan para sa pagtitiyak na magiging ligtas ang mga residente.
Mahigpit din umano nilang ipinapatupad ang mga naibaba nang panuntunan partikular na ang pagsusuot ng face mask at aniya patuloy ang kanilang monitoring sa lahat ng mga pumapasok na residente sa simbahan kung saan dapat ay may maipakitang vaccination card ang lahat ng residenteng edad 18 taong gulang pataas.
Magsasagawa na rin umano sila ng re-routing sa ibang mga daanan nang sa gayon ay maiwasan ang mabigat na daloy ng trapiko lalo na’t tiyak ang pagdoble ng mga turista sa darating na Huwebes at Biyernes.
Dagdag din ng naturang opisyal na maituturing namang kontrolado ang sitwasyon at hiningi naman nito ang pakikiisa ang publiko para isang mapayapang pagobserba ng Semana Santa.