Tapos na ang accreditation ng mga party list.

Ito ang tugon ng Commission on Election (COMELEC) Pangasinan hinggil sa mga paratang na ‘di umano’y ginagamit ng mga komunista ang ibat-ibang party list para sa kanilang sariling mga agenda sa pagsubok na mapabagsak ang nakatatag ng gobierno na siyang binitawang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan sa kaniyang ulat sa bayan.

Ayon kay Atty. Ericson Oganiza, Provincial Election Officer ng COMELEC Pangasinan, nagbabase lamang kasi umano ang COMELEC sa kanilang mga ina-attach na mga dokumento kapag sila ay nag-a-apply for accreditation na sinisigurong dumadaan naman aniya sa due notice and hearing bago sila i-approve na makipag partisipa sa party-list representation, kaya’t talaga naman aniyang nasasala ang mga ito.

--Ads--

Ngunit dagdag ni Oganiza, kung mayroon naman umanong mga ebidensyang maipapakita ang ibang mga grupo o indibidwal na susuporta sa kanilang mga akusasyon, maaari naman itong isumite para sa susunod na accreditation period para sa mga susunod pang eleksyon upang ma-oppose ang accreditation ng mga grupong dawit sa usaping ito.

Sa kasalukuyan ay wala na umanong magagawa ang ang COMELEC dahil tapos na silang ma-accredit. At sa katunayan aniya, ilang termino na rin umano silang naluklok sa kongreso kaya nangangailangan din ng mga matitibay na ebidensya upang ito ay ma-asses o malaman ng COMELEC ang kanilang posibleng susunod na mga gagawin, kaakibat pa rin ang mga batas may kinalaman sa mga party list.