Higit 25 milyong residente ng Shanghai sa China ang apektado ng ipinatupad na lockdown sa gitna ng tumataas na kaso ng Covid-19.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Donìcìa Habìlìng Moloney na ang Shanghai ay maituturing na isang financial hub kung kaya’t iniiwasan pagsasagawa ng isang city wide lockdown bagkos ay hinati na lamang sa iba’t ibang mga lugar ang pagpapatupad ng lockdown.
Aniya na dahil karamihan sa mga kaso ay asymptomatic, hirap ang gobyerno na matrace ang nangyayaring hawaan na nagresulta para sa biglaang pagbulusok ng kaso.
Pawang mga kaso umano ng Omicron covid variant ang naitatala, sa kabila nito ay hindi nagdeklara ng anumang bagong pagkamatay ng Covid sa lungsod mula nang sumiklab ang pinakabagong surge ng virus.
Dagdag rin nito na malaki ang naitulong nang malawakang pagtanggap ng mga residente sa bakuna laban sa Covid.
Sa kasalukuyan ay mandatoryo pa rin ang pagsusuot ng face mask habang gumagamit naman ng health qr code ang lahat ng mga residenteng lalabas ng kanilang mga tahanan para sa mas mabilis na pag-trace sa mga nakasalamuha ng isang positibong pasyente.