Mananatili muna hanggang sa kasalukuyan ang 3 bayan sa lalawigan ng Pangasinan sa pagiging immediate areas of concern para sa nalalapit na National at Local Election sa Mayo 9, 2022.
Ayon kay Atty Ericson Oganiza, ang Provincial Election Supervisor ng COMELEC Pangasinan, wala pang isinagawang Joint Security Coordinating Council conference ang COMELEC, Provincial Police Office at AFP sa lalawigan ng Pangasinan para sa bagong listahan ng mga lugar na isasailalim sa mas mahigpit na pagbabantay ng COMELEC.
Kailangan munang i-schedule ang joint conference para malaman ang status ng mga bayan at syudad hinggil sa nalalapit na eleksyon.
Aniya, magsasagawa muna ang mga 44 na bayan at 4 na syudad sa Pangasinan ng Joint Conference bago ito talakayin sa Provincial Level ang kanilang estado saka nila ito ipapa approved sa Regional level.
Ito ay kung mayroong idadagdag sa areas of immediate concern o idowngrade ito sa areas of concern na lamang.
Matatandaan na inilagay ang bayan ng Sual, Urbiztondo at Santo Tomas sa probinsiya sa immediate areas of concern dahil sa nakaraang eleksyon na may naganap na election related incident.
Dagdag pa ni Oganiza, tatapusin muna nila sa susunod na linggo ang training ng magiging municipal, city at provicnial board of canvassers bago magkaroon ng joint conference kasama ang PNP at AFP sa seguridad sa halalan.