Tiniyak ng Pangasinan Police ProvIncial Office na nakahanda ang kanilang hanay sa pagbabantay sa pagsisimula ng campaign activity ng mga kakandidato sa local positions ngayong nalalapit na halalan.
Ayon kay PMaj. Katelyne Awingan, Public Information Officer ng Pangasinan Police Provincial Office, bago pa man ang pagsisimula ng pangangampanya ngayong araw, nakipagkoordina na ang mga Chief of Police sa mga local chief executives at mga barangay officials sa kanilang area of responsibility upang mapag-usapan ang mga pamamaraan sa pananatili ng kaayusan at pagtiyak na nasusunod ang mga health protocols sa pagpunta ng mga kandidato sa kanilang lugar.
Aniya, mas pinaigting pa nila ang kanilang anti-criminality campaign upang masiguro na ligtas at malayo sa anumang krimen ang lalawigan ngayong halalan.
Ilan sa iniiwasan nilang mga pangyayari sa panahon ng kampanya ay ang pagkakaroon ng mga masasaktan sa mga crowded gatherings, at gayundin ang mga serye ng nakawan o panghahablot.
Kasabay din nito, na patuloy din ang kampanya ng kanilang tanggapan sa information campaign upang maipaabot sa publiko ang mahahalagang impormasyon upang makaiwas sa krimen ngayong eleksyon.