Pinangangambahan ng ilang mga Pilipino ang posibilidad ng isang internet blackout sa Russia na resulta pa rin ng nangyayaring girian sa pagitan ng ng bansang Ukraine.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Genevive DIgnadice na dahil sa nangyaring cyber attack sa kanilang satellite ay mas nagiging maingat ang kanilang gobyerno sa paglabas at pagpasok ng impormasyon sa kanilang bansa kaya’t maaaring tuluyang putulin ang kanilang paggamit sa internet.
Naghahanap na rin aniya sila ng alternatibong applications na pwede nilang magamit sa komunikasyon lalo na’t inanunsiyong bukas ay tuluyan ng maibloblock ang ilang western media applications tulad ng Facebook at Twitter sa kanilang bansa.
Hinihiling din nito na patuloy pa rin silang makagamit ng VPN o “virtual private network” na nagbibigay-daan sa mga tao na malampasan ang ilang digital blocks para ma-access nila ang kanilang karaniwang pinagmumulan ng impormasyon online.
Bukod pa rito ay kanilang idinadaing na maliit na halaga ng pera na ang kanilang naipapadala sa Pilipinas bunsod pa rin ng pagbaba ng palitan ng pera ng Russia na ruble.
Sa kabilang dako, idiniin nito na hindi rin umano sineseryoso ng Ukraine ang isinasagawang peace talks sa pagitan ng kanilang Pangulo.
Paglilinaw din nito na hindi nanganganib ang buhay nilang mga PIlipino sa Russia kung kaya’t wala umanong basehan ang mga balitang hinihikayat na sila ng embahada ng Pilipinas na sila ay umuwi na.