DAGUPAN CITY— Pansamantalang ipinagbabawal muna sa lalawigan ng Pangasinan ang pagpasok ng itik, pato, at pogo para mapigilan ang pagpasok ng avian influenza o bird flu na naunang nadetect sa Bulacan at Pampanga.
Ayon kay Dr. Jovito Tabajeros, ang provincial veterinarian ng lalawigan, ito ay batay na rin sa ibinabang executive order no. 0014-2022 ng provincial government upang masiguro na ligtas ang mga Pangasinense at ang poultry industry mula sa nabanggit na sakit.
Aniya, sa nasabing panuntunan inilatag na rin upang magbabantay sa mga borders sa lalawigan partikular sa bayan ng Mangatarem, Bayambang, Infanta, Rosales, lahat ng exit ng TPLEX, at sa bayan ng San Fabian, upang tignan lahat ng mga sasakyan na magdadala ng mga itik, pato, pogo at iba pang mga produkto gaya na lamang ng balot sa lalawigan lalo na kung ito ay mula sa probinsya na nakapagtala na ng kaso ng bird flu.
Nakahanda at napagsabihan na rin umano ang mga quarantine guards na magbabantay at magmomonitor nito.
Bukod pa rito, hindi naman sa kabilang sa mga ipagbabawal na makapasok ang mga manok, ngunit sa kaso naman aniya ng mga panabong, kinakailangan na ang mga magdadala nito sa probinsya ay may certification na ito ay galing sa avian influenza free areas.