Nanindigan ang National Fisheries and Aquatic Resources Management Council (NFARMC) na may sapat na supply ng isda ang bansa ukol sa pag-import ng Department of Agriculture ng 60,000 metric tons ng galunggong at iba pang mga isda.
Ayon kay NFARMC Representative Dennis Calvan, una pa rito ay kanila ng ipinanukala kay DA Sec. William Dar na hindi kailangan mag-angkat ng isda dahil batay naman sa datos ng BFAR ay maroon pang 45,651 metric tons galing sa unang importation na ginawa noong last quarter ng 2021 at mayroon ding mga local production mula sa aqua culture at sa mga mangingisda sa bansa.
Dahilan umano ng Dept. of Agriculture, mayroong deficit na 119,000 metric tons para sa 1st quarter ng 2022 at ang closed fishing season. Pangalawa, sinasabi din na malaki ang nawala sa produksyon dahil sa naging epekto ng Bagyong Odette.
Pero saad ni Calvan, hindi naman nagkaroon ng epekto ang mga ito sa supply lalo na at hindi pa naman ubos ang inimport noong nakaraang taon.Dapat umanong maintindihan ng DA na dahil sa importasyon ay lubhang maaapektuhan dito ang mga local fishermans dahil sa merkado pa lamang ay hirap na sila na maibenta ang kanilang mga produkto.
Dismayado din sila dahil sa halip na pinoprotektahan ang kapakanan ng mga mangingisda ay inuuna pa ang mga importer na yumayaman sa pag-angkat ng mga produkto mula sa ibang bansa.
Samantala dagdag ni Calvan, napapanahon na din na ipatupad ang price ceiling sa presyo ng isdang galunggong dahil ngayon ay pumapalo sa 240-280 pesos ang kada kilo nito na mabigat na para sa mga konsyumers kumpara dati na isa ito sa mga mabibiling murang isda.
Aniya, dapat itong bigyan ng pansin ng gobyerno dahil mahalaga ang papel ng pamahalaan para ma regulate ng presyo ng mga bilihin at para maprotektahan ang ating mga local producers.