DAGUPAN, CITY— Patay ang isang 24-anyos na construction worker matapos ang nangyaring salpukan ng isang van at motorsiklo sa kahabaan ng National Road ng Brgy. Banaoang, sa bayan ng Sta. Barbara.
Ayon kay Pmaj. Mark Ryan Taminaya, hepe ng Sta. Barbara Police Station, matinding tama sa ulo at dibdib ang ikinasawi ng biktima matapos sakupin ang kabilang linya ng kasalubong nitong isang passenger van.
Aniya, wala umanong suot na helmet o anumang safety gear ang namatay na driver ng motorsiklo na kinilalang si Jeric Nespiros na residente ng Brgy. Anolid, Mangaldan, gayundin ang angkas nitong si Jonald Corpuz na itinakbong kritikal ang kondisyon sa Villaflor Memorial Hospital, sa lungsod ng Dagupan.
Ayon sa isinagawang imbestigasyon, inilahad umano ng rumesponding rescue team na amoy alak si Nespiros, at pareho naman silang walang malay ni Corpuz nang itakbo sa pagamutan.
Saad ng pulisya, patungo umano sanang Urdaneta City ang nasawing biktima habang ang kasalubong nitong van ay papunta namang Dagupan City nang magkaroon sila ng frontal collision.
Pansamantala namang napiit sa kulungan ang driver ng van na si Rodelio Santiago ngunit nagkaroon na umano ito ng settlement agreement sa kaanak ng nasawing driver.
Ito na ang pinakamalala sa tatlong vehicular incidents na naitala sa nabanggit na bayan ngayong 2022, ngunit maituturing pa rin naman umanong minimal ang numerong ito lalo na’t national highway ang kahabaan ng Sta. Barbara. (with reports from: Bombo Maegan Equila)