Tiniyak ng Department of Education Region 1 na dumadaan sa masusing proseso ang mga ibinibigay na mga modules sa mga esyudyante kasunod ng paglilinaw ng Kagawaran ng Edukasyon sa kumakalat na larawan sa social media patungkol sa sinasabing DepEd module na humihiling na mag-interview ng isang tao mula sa panahon ng Espanyol.
Ayon kay Deped Region 1 Director Dr. Tolentino Aquino, paliwanag niya na ang paggawa ng mga modules ay nagiging mabusisi dahil pagkatapos na isulat ito ng mga writers ay dadaan pa sa quality assurance ng Deped Central Office bago i-distribute sa ibat ibang rehiyon para magamit ng mga mag aaral.
Aniya, nais din nilang ipabatid na may mga ginagawang modules ang kanilang regional office ngunit dadaan pa ang mga ito sa proseso para na rin sa kapakanan ng mga estudyante.
Binibigyan din umano ng tagubilin ang mga guro na bago nila ibigay sa mga mag aaral ang mga modules ay tiyakin muna nilang nabasa, nasuri at napag aralan ang bawat pahina ng mga ito upang maiwasan ang mga pagkakamali sa mga learning materials ng mga estudyante.
Una rito, naggagawa ng beripikasyon ang DepEd Error Watch at natuklasan nga na ang nasabing module ay hindi gawa ng Kagawaran o sumailalim sa pagsusuri ng alinmang opisina ng DepEd.
Kasalukuyan na din itong iniimbestigahan ng ahensiya at patuloy ang pakikipag-ugnayan sa mga kaugnay na opisina upang matukoy ang pinagmulan ng naturang module.
Muli naming pinaaalalahanan ang publiko na maging mapanuri sa fake news at iba pang mga ‘di tiyak na impormasyong kumakalat online.
Dagdag dito, nananawagan ang nasabing tanggapan sa mga magulang at iba pang stakeholders na agarang idulog ang isyu patungkol sa mga modules direkta sa kanilang paaralan para sa agarang aksyon.