DAGUPAN, CITY— Target mapurga ang nasa 85% population ng 1,926,972 ng mga batang edad 1-19 na taong gulang sa Region 1 bago matapos ang buwang ito.


Patuloy ang panghihikayat ng Ilocos Center for Health Development (CHD) sa buong rehiyong uno na tumalima sa Oplan Goodble Bulate ngayong buwan ng Enero.


Ayon kay Dr. Rhuel Bobis, Medical Officer IV ng DOH-CHD1, ang Oplan Goodble Bulate ay taunang ginagawa ng Department of Health (DOH) kada buwan ng Enero at Hulyo.

--Ads--


Ito ay ang pagpupurga o pagbibigay ng deworming drugs sa edad 1-19 na taong gulang.


Matatandaang pre-pandemic ay school based abg pagsasagawa ng naturang programa, ngunit dahil sa COVID-19 pandemic ay community based ang pagpapatupad nito kung saan ang mga Barangay Health Workers (BHWs) kasama ng kanilang mga nurse at midwives ay nagtutungo ngayon sa mga bahay-bahay ng kanilang barangay.


Maaari umanong magtungo sa mga Rural Health Units (RHU) ang mga maaaring mag-avail sa naturang programa upang tanungin ang schedule ng pagpupurga sa kanilang lugar kung hindi pa napupuntahan ng mga BHWs ang kanilang mga bahay.


Binigyang diin din ng DOH Region 1 na ito ay libre, at wala ring ipinagbabawal na kainin ang mga batang napurga na.


Dagdag ni Bobis, dalawang beses kada taon dapat napupurga ang mga kabataan sapagkat ang mga bulateng posibleng manahan sa katawan ng isang bata ay maaaring magkaroon ng physical and mental disadvantage.


Posibleng maging under nourished o makaranas ng pagkabansot ang mga batang hindi napupurga, gayundin sa posibilidad na magkaroon ng mababang I.Q. level.